Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Yan agad ang sumagi sa isip ko, mula nang ipahayag ang
panliligaw mo. Gusto mo ako at may gusto din ako sayo. Pero sa ugali mong
parang bata, mukhang malabo ata. Alam mo naman na ako’y tupakin, baka di mo kayanin.
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Naiisip ko palagi, dahil ayokong magsisi sa huli. Kahit
na gusto kita, at ako’y iyong sinisinta, di maalis ang pangamba na baka ika’y
biglang mawala, iwanan ako sa tabi na wala man lang pasabi.
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Ikaw na ba ang tadhana ko? Tanong ng puso ko. Nais ko
sanang makasiguro na sasamahan mo ako hanggang sa dulo. Sa dami ng iyong
ginagawa, may panahon ka pa kaya?upang patunayan ang iyong nadarama, na ito’y
tunay talaga.
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Magkaiba ang ating hilig at paniniwala sa pag-ibig. Sa
anumang usapan, hindi tayo nagkakaintindihan. Pareho tayong pikon, saan pa ito
hahantong? Hindi naman nagbubunga ng matamis ang pag-ibig na puro pagtitiis.
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Magiging masaya ba tayo o mag-aaway lang tayo? Dahil
lang sa mga simpleng bagay na pareho tayong hindi sanay. Tayo ba’y magmamahalan
o di sadyang magkakasakitan? Sa relasyong mahirap desisyunan dahil walang
kasiguraduhan.
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Mamahalin mo din ba ang aking kaartehan , para sa
ikatatahimik ng ating samahan? Matatagalan ko ba ang iyong panunukso at mabago
ang iyong pagiging seloso? Kakayanin ba ang bawat hamon? O hahayaan na lang
mabaon? Sasabihin bang, “basta’t tayo, kaya pa!” o sasabihin na lang “ayoko na,
din na kaya.”
Kung magiging
tayo ba, tatagal kaya? Tanong ko ito noon, tanong pa rin makalipas ang limang
taon. Isang tanong na gumugulo kahit na marami na ang nagbago. Isa ka sa
tinangay ng panahon, habang ako’y nasa loob pa rin ng kahon. Kahit na mahirap
isipin, ikaw pa rin ang nais mahalin.
Kung naging
tayo ba, tatagal kaya? Natakot ako noon sumubok, hanggang ang pag-asa ko ay
nabulok. Kaya ngayon ako’y nahihirapan at nasasaktan sa katotohanan. May mga humahabol
na katanungan, pero di pa rin matanggap ang kasagutan. Kung naging tayo ba,
tatagal kaya?
###